Sa probinsya ng Buriram sa Thailand, isang nanay ang gumawa ng kakaibang paraan para proteksyunan ang sarili at mga kapitbahay mula sa sarili niyang anak.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Isang 64-anyos na nanay ang mahigit 20 taon nang namumuhay sa takot dahil sa kaniyang anak na adik sa droga at sa sugal.
Kamakailan ay nagpagawa siya ng kulungan sa loob ng kanilang bahay upang doon panatilihin ang kaniyang 42-anyos na anak dahil sa pagiging bayolente nito.
Naniniwala ang nanay na sa ganoong paraan ay mapoprotektahana siya at ang kanilang mga kapitbahay.
Sinabi ng nanay sa mga otoridad na sa ilang taon na nakalipas ay dinala na niya sa mahigit sampung iba’t-ibang rehabilitation center ang kaniyang anak ngunit mas naging bayolente lamang daw ito at nag-develop pa ng gambling addiction.
Sa isang pahayag, sinabi ng nanay na silang mag-ina na lang ang magkasama simula nang mamatay ang kaniyang asawa at isa sa mga rason nito ay ang depresyon at stress sa kanilang anak.
At nitong Oktubre lang ay tumawag siya ng mga pulis dahil out of control na ang kaniyang anak. Dinala pa ito sa ospital ngunit sigurado siya na babalik din ito kung kaya naman nagpagawa na siya ng jail cell.
Kumpleto naman daw ang mga pangangailangan ng anak katulad ng kama, banyo, at Wi-Fi. Mayroon din itong maliit na butas ang pagkain at inumin nito. Nag-install na rin siya ng CCTV para buong araw niyang ma-monitor ang behavior nito.
Hindi tukoy kung paano nalaman ng mga pulis ang sitwasyon nila ngunit, sinabi ng spokesperson na ang ginawa raw ng nanay ay lumalabag sa Article 310 ng Criminal Code na patungkol sa unlawful detention resulting in death or serious injury at may karampatang parusa na pagkakakulong ng tatlo hanggang labinlimang taon.
Samantala, pinangakuan ng mga pulis ang ginang na hahanapan ng solusyon ang kaniyang problema kung kaya naman pinatanggal na ang jail cell sa loob ng bahay.