Naniniwala ang mga lider ng young guns ng kamara na ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay pagtakas sa kanyang responsibilidad at pananagutan sa paggastos ng 612.5 million peso confidential funds.
Ito ang inihayag nina Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales matapos kumpirmahin ni duterte sa panayam ng media na hindi ito dadalo sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa November 20.
Iniimbestigahan ng komite, na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ang umano’y iregularidad sa paggamit ng kabuuang confidential funds ng office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.
Ang pagtanggi ni Duterte na dumalo ay sa kabila ng personal nitong pagtanggap ng imbitasyon noong miyerkules habang nakikinig sa pagdinig ng House Quad Comm na dinaluhan ng kanyang tatay na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ortega, maaaring ayaw o takot matanong ang pangalawang pangulo at ang pagtanggi nito ay bahagi ng kanyang estratehiya para iwasan ang responsibilidad at pananagutan sa hindi wastong paggamit sa pera ng taumbayan.
Naniniwala naman si Khonghun na iniiwasan ni VP Duterte ang pagdinig ng kamara dahil hindi nito kayang ipaliwanag kung papaano ginastos ang daang milyong confidential fund.