Kadalasan, sa pagkabata pa lang ay buo na sa imahinasyon ng mga babae ang magiging selebrasyon ng kanilang kasal. Pero ang pangarap na mala-fairytale na wedding ng isang bride sa Oregon, USA, hindi natupad dahil sa pang-iindian ng mga bisita.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Sa isang viral na video sa social media, in-upload ng bride na si Kalina, makikita ang pagbukas ng pinto ng isang events place na nilagyan ng decorations at naggagandahang mga ilaw na nagbigay ng kakaiba at romantic na ambiance rito.
Sa pagpapatuloy nito, naglakad ang bride at groom kasama ang kanilang anak patungo sa unahang bahagi ng venue na talaga nga namang napakaintimate at sincere na tagpo.
Ngunit, sa simula pa lang ng video ay kapansin-pansin na agad na halos walang mga bisita na dumalo!
Ayon sa caption nito, sa 75 katao na pinadalhan niya ng digital invitations, lima lang ang dumating sa araw ng kanilang kasal.
Nakasaad daw sa invitation na magsisimula ang selebrasyon, ala una ng hapon. At pagkalipas naman ng labinlimang minuto ay nakatanggap siya ng message mula sa kaniyang ina na walang tao sa venue.
At sa kasamaang palad, nang dumating sila ng kaniyang groom pagpatak ng alas dos ng hapon ay limang tao lamang ang inabutan nila.
Dagdag niya pa na nasayang ang mga nakahandang pagkain, at ang mga mesa at upuan naman ay nanatili lamang bakante. Dahil dito, napilitan sila na i-adjust na lang ang program.
Naging masaya pa rin naman ang bagong kasal kahit na masalimuot ang naging outcome ng selebrasyon nito. Ngunit, hindi naiwasang mapaisip si Kalina kung bakit hindi sumipot ang mga bisita.
Nakadagdag pa raw sa sama ng loob niya na ang iba sa mga kaibigan niya ay hindi man lang siya minessage para batiin o sabihin man lang kung bakit hindi sila nakarating.
Gayunpaman, marami naman ang nagpaabot ng pakikisimpatya sa comment section ng video na siya namang pinasalamatan ng bride dahil nakatulong daw ang mga ito para maka-get over sa nangyari.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung sa’yo mangyari ito?