Mariing pinabulaanan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pahayag ni Vice President Sara Duterte, kaugnay sa imbestigasyon ng confidential fund.
Ayon kay Manila Third District Rep. Joel Chua, Chairman ng komite, hindi totoo na isang beses lang inimbitahan ang bise presidente para dumalo sa pagdinig ng kamara hinggil sa imbestigasyon sa kuwestiyonableng paggastos ng Office of the Vice President sa milyong pisong halaga ng confidential fund.
Binigyang diin ni Cong. Chua, na nagsumikap ang komite upang masiguro na maibibigay sa bise presidente ang imbitasyon para sa pagdinig.
Ilang beses na anya silang nagpadala ng imbitasyon kay VP Sara, ngunit tumanggi itong magpakita sa ikatlo, ika-apat, at ika-limang pagdinig.
Matatandaang sa nakaraang Quad Committee hearing na dinaluhan ng ama ng bise presidente na si dating pangulong Rodrigo Duterte, personal na ibinigay kay VP Sara ang imbitasyon para sa ika-anim na pagdinig ng house committee on Good Government and Public Accountability. – Sa panulat ni Kat Gonzales