Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos jr., na malaki ang naitulong ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa, partikular sa panahon ng kalamidad.
Sa kanilang pagpupulong ni U.S. Defense Sec. Lloyd Austin sa Malacañang, binigyang diin ng pangulo na mas nagawa ng pamahalaan ng pilipinas ang kanilang trabaho sa tulong ng EDCA sites at ng mga tropa ng amerika.
Ayon pa kay PBBM, nagsisilbi ring staging area ang EDCA sites para sa pre-positioning ng assets, mga kagamitan at relief supplies.
Maliban dito, sa EDCA sites din aniya nanggagaling ang mga air asset na ginagamit para sa pagdadala ng relief goods at pagtaya sa pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo.
Dagdag pa ni PBBM, maraming mga kalsada ang sarado at hindi madaanan dahil sa mga pagbaha at landslides, kaya’t tanging mga helicopter lamang mula sa EDCA sites ang nakakarating sa mga isolated na barangay.