Hinikayat ng Malakanyang ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na iwasan ang mga marangyang pagdiriwang ngayong pasko.
Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bilang pakikiisa sa milyun-milyong Pilipino ang patuloy na nagdadalamhati dahil sa mga buhay, tahanan, at kabuhayang nawala bunsod ng pitong bagyong nanalasa sa bansa.
Hindi na kailangang magpalabas ng opisyal na direktiba sapagka’t naniniwala aniya sila sa kabutihang-loob ng mga kapwa nila kawani ng gobyerno at kumpiyansa itong kusang magpapatupad ang mga ito ng pagtitipid sa kanilang mga pagdiriwang.
Dagdag pa ng palace official, na nais din ng palasyo na ang anumang matitipid mula sa mas payak na pagdiriwang ay i-donate para sa mga kababayang naapektuhan ng kalamidad. – Sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)