Aakalain mo ba na ang mga barya na madalas na ini-ismol at itinuturing na pampabigat sa ating mga pitaka ay nagamit ng isang lalaki na pambili ng isang second hand na van?
Kung paano ito nangyari, alamin.
Sa isang video, makikita ang isang lalaki na si Rolly na nakaupo sa ibabaw ng isang nakatumbang laundry basket at kapansin-pansin ang sangkaterbang mga baryang nagkalat sa sahig na ginagamitan na ng pala upang tuluyang mailabas.
Ngunit hindi pa iyon ang lahat ng mga barya na mayroon ang lalaki, dahil pati ang compartment ng kaniyang motor ay ginawa na rin niyang alkansya!
Ayon sa isang pahayag, nanggaling daw ang mga barya mula sa pisonet business ni Rolly na may tatlong branches. Bukod pa rito, mayroon din daw siyang mga kliyente na nagpapaset-up ng computer at nagpapagawa ng computer shop na barya ang ginagamit pambayad sa kaniya.
Kung kaya naman hindi na kataka-taka na nakaipon ito ng ganoon karaming barya. Ngunit, gaano naman ba kalaki ang sumatotal nito?
Ang mga barya na inipon ni Rolly sa loob ng tatlong buwan ay umabot lang naman ng tumataginting na 115,000 pesos!
Aniya, dinagdagan niya na lang ang mga naipong barya para mabili ang second hand na van na gagamitin niya raw para sa kaniyang negosyo.
Samantala, ang tip naman na ibinigay ni Rolly para makaipon ng pera ay sipag at disiplina. Mas pinaiiral niya raw ang praticality at nag-iinvest lamang sa mga bagay na makatutulong para sa kaniyang self-improvement.
Ikaw, anu-ano ang techniques ang ginagawa mo para makaipon ng pera?