Naka-alerto na ang Presidential Security Command kasunod ng banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon sa Presidential Communications Office, isang seryosong banta ang sinabi ni VP Sara na kumontrata siya ng assassin para patayin ang pangulo at ang unang ginang, maging si House Speaker Martin Romualdez, sakaling magtagumpay ang masamang plano ng mga ito laban sa kanya.
Sa isang video conference, inamin ni VP Sara na nagbilin siya sa assassin na sakaling mapatay siya, huwag itong tumigil hangga’t hindi rin napapatay si Pangulong Marcos, First Lady Liza at Speaker Romualdez.
Ginawa ng bise-presidente ang pahayag kasunod ng utos ng Kamara na ilipat ang Chief of staff ng OVP na si Atty. Zuleika Lopez sa Correctional Institute for Women mula sa house detention facility.
Inisyu ng House Committee on Good Government ang transfer order kay Lopez matapos hindi sumunod ang bise presidente sa utos nito na umalis sa pasilidad sa kabila ng paulit-ulit na apela.
Pina-contempt ng mababang kapulungan si Lopez dahil sa hindi pagsagot sa imbestigasyon nito sa sinasabing kwestyunableng paggamit ng pondo ng Office of the vice president at Department of Education. - sa panulat ni Laica Cuevas