Inakusahan ni Vice President Sara Duterte si First Lady Liza Araneta Marcos na siyang nasa likod ng mga sobreng may lamang pera na ipinamahagi sa mga tauhan ng Department of Education.
Matatandaang kamakailan lamang nang lumutang ang mga usapin na nakatanggap ang ilang dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd ng sobre na may libu-libong pera sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara bilang DepEd Secretary.
Iginiit ng bise-presidente na sa pamamagitan ng video call at written note, ang unang ginang ang nagbigay ng instruction sa kanya kung saan kukuhanin ang milyun-milyong piso, na hindi naman sinabi kung para saan.
Pinupulitika rin aniya ng pamilya Marcos ang Office of the Vice President matapos siyang magbitiw bilang gabinete ng administrasyon.
Nag-ugat ang maaanghang na pahayag ng pangalawang pangulo laban sa mga Marcos matapos ipag-utos ng Kamara ang paglilipat sa Chief of Staff nito na si Atty. Zuleika Lopez sa Women’s Correctional mula sa detention center sa Batasang Pambansa.
Pina-contempt ng mababang kapulungan si Lopez matapos tumangging sumagot sa imbestigasyon nito sa sinasabing kwestyunableng paggamit ng pondo ng OVP at DepEd.
Samantala, inakusahan din ni VP Sara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos na nagnakaw ng campaign funds na sinabi naman aniya sa kanya ni House Speaker Martin Romualdez.