Plantsado na ang impeachment complaint na ihahain ng grupong Bayan Alyansa Makabayan laban kay vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng naging pahayag ng bise presidente na sakaling may masamang mangyari sa kaniya, may inatasan na itong tao na patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marco at House Speaker Martin Romualdez.
Dahil dito, sinabi ni Act Teachers Partylist Representative France Castro na target ng maihain ang reklamo laban sa bise presidente bago matapos ang taon.
Hinog na hinog na aniya ang impeachment complaint sa pangalawang pangulo kung saan hinihintay na lamang ang desisyon ng People’s Organization.
Una nang umugong ang pagpapatalsik kay VP Sara dahil sa hindi pa rin maipaliwanag na pag wawaldas umano ng milyun-milyon niyang confidential fund ng OVP at DEPED.
Sa ngayon, mas lumakas pa ang panawagan dahil sa pagbabanta nito sa buhay ng pangulo.
Para naman kay dating senador Leila De Lima bukod sa impeachment, pwede rin aniyang ireklamo ng ibat-ibang criminal charges ang bise presidente gaya ng grave threats, illegal utterances at cyberlibel. – Sa panulat ni Jeraline Doinog