Puspusang pinag-aaralan ng Senate Committee on Finance ang panukala ng ilang senador na dagdagan ang budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Sinabi ni Senator Grace Poe, Chairman ng naturang komite, na posibleng madesisyunan ito ng senado bukas, para maisapinal ang latag ng panukalang 2025 national budget.
Matatandaang nagpasya ang Committee on Finance na i-adopt o sang-ayunan ang desisyon ng kamara na bawasan ng 1.3 billion pesos ang panukalang higit 2 billion pesos na budget para sa OVP.
Ayon kay Poe, ito ay dahil hindi tumugon ang opisina ng bise presidente sa maraming ulit nilang request para sa mga dokumento na para naman sa paglilinaw ukol sa hinihingi nitong pondo.
Una rito, sinabi ni Senator Joel Villanueva na walo silang senador na gustong padagdagan ang panukalang budget ng ovp na sa ngayon ay nagkakahalaga ng 733 million pesos.