Muling magsisilbing caretaker ng bansa ang tatlong miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. kasunod ng kanyang working visit sa United Arab Emirates.
Bukod kay Executive Secretary Lucas Bersamin, itinalaga din bilang caretakers sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinamahalaan ng tatlong opisyal ang operasyon ng executive department habang nasa official foreign trip ang pangulo.
Nagawa na ito noong dumalo ang Chief Executive sa 44th at 45th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Laos noong nakaraang buwan.
Ngayong araw, magsisimula ang working visit ng pangulo kung saan inaasahang malalagdaan ang ilang kasunduan na layong palakasin pa ang relasyon ng Pilipinas at UAE, partikular sa mga larangan ng kalakalan, enerhiya, at ekonomiya. – Sa panulat ni Laica Cuevas