Isang regular customer ng Sonu Kings Salon sa Ghaziabad, Uttar, Pradesh, India ang nagsagawa ng isang nakakaantig na fundraising activity para sa kaniyang barbero na ikinatuwa ng netizens online.
Kung bakit ito ginawa ng lalaki? Alamin.
Nanakawan ng cellphone ang barbero na si Ghaziabad Ka Aalim Hakim o mas kilala sa kaniyang mga suki sa Sonu Kings Salon bilang Sonu.
Sa isang pambihirang tagpo ay nagkaroon ng inisyatiba ang hindi pinangalanang regular customer ni Sonu na magsagawa ng fundraising activity gamit ang crowdfunding app sa India na Milaap.
Hindi pa riyan nagtatapos ang effort na isinagawa ng lalaki dahil nagpagawa pa ito ng t-shirt na mayroong print ng QR code sa likod na kapag ini-scan ay makikita ang donation page na ginawa nito.
Kinuhanan naman ng X user na si Pooja Sanwal ang customer na suot ang nasabing t-shirt at in-upload sa kaniyang account na may caption na “spotted this guy in CP today (the qr code opens a fundraiser for his barber).”
Sinabi naman ng customer sa Milaap na gusto niyang tulungan ang barbero dahil nanakawan ito ng cellphone. Aniya pa, napakabait daw nito, hindi judgmental, at tinawag niya pang ‘kind soul.’
Bukod pa riyan, na-e-enjoy din daw niya ang playlist nito na naririnig niya sa tuwing nagpapagupit siya rito kung kaya naman pinlano niya na i-download ang lahat ng mga paborito nitong kanta sa bago nitong cellphone.
Dahil sa nag-viral na post ni Pooja, nakarating ang fundraising initiative niya sa London-based consumer electronics manufacturer na Nothing Phone at napansin ng co-founder at head marketing nito na si Akis Evangelidis.
Kaya naman pinahanap ng staff ng nothing phone si Sonu at sinorpresa ng brand new Nothing Phone 1.
Ikinatuwa naman ng online netizen ang success ng initiative ng loyal customer ni Sonu at nag-iwan ng samu’t-saring empowering comments.
Ikaw, anong masasabi mo sa nakaaantig na kwento na ito?