Tinutulan ni dating military chief of staff at PDEA chief, retired general Dionisio Santiago ang panawagan ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa militar na ituwid ang inilarawan nitong “Fractured governance”, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay General Santiago, na nagsilbi ring gabinete ng nakaraang administrasyon bilang dangerous drugs board chief, bagama’t naiintindihan niya kung saan nanggagaling ang dating presidente, hindi masosolusyunan ang problema ng isa pang problema.
Iginiit pa ni dating general Santiago na kung aminado ang mga pilipino na nagkamali ang mga ito sa pagpili ng lider ng bansa, maaari naman itong palitan sa paraang ligal o sa pamamagitan ng isang eleksyon.
Sinabi ng dating heneral na natuto na ng leksyon ang militar matapos suportahan ng mga pinuno nito ang mga nakaraang pag-aalsa tulad ng 1986 People Power Revolution na nagpatalsik kay yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos at ng 2001 Edsa Dos Revolt na nagpabagsak naman kay pangulong Joseph Estrada. – Sa panulat ni Laica Cuevas