Nanawagan si dating senador Bam Aquino na huwag nang kaladkarin at idamay ang pinatay na dating senador na ninoy Aquino sa mga away sa pulitika.
Ayon sa nakababatang Aquino, nitong mga nakalipas na araw ay ilang beses na nabanggit ang pangalan ng kanyang tiyuhin sa bangayan ng mga Marcos at Duterte.
Hiniling pa nito sa mga taga-suporta ng nakatatandang aquino na ipagpatuloy ang laban nito tungo sa isang mapayapang lipunan, abot-kayang edukasyon, at gobyernong hindi corrupt.
Matatandaang lumabas ang usaping pagpatay sa dating senador ninoy nang hingin ang reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang papalagan ang anumang pagbabanta laban sa kanya.
Ang mga Aquino at Marcos ay kilalang magkaribal na pamilya sa pulitika.
Isa rin ang pagkamatay ni Aquino noong 1983 sa itinuturing na pangunahing dahilan ng Edsa People Power Revolution, na nagpatalsik sa ama ng kasalukuyang pangulo na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr.