Tunay nga naman na marami-raming tao ang mayroong love-hate relationship sa subject na Math, kaya naman may iilan na pinili na lang mag-hire ng tutor, ngunit, ang isang sampung taong gulang na bata, sa halip na sa pamilya o tutor magpaturo, tumawag ito sa…… 911!
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Kamakailan lang ay nag-post ang official social media account ng Shawano Sheriff’s Office ng isang kakaibang tawag na natanggap nila mula sa isang bata.
Ipinakita sa post na isang sampung taong gulang na bata ang tumawag sa kanila dahil nangangailangan ito ng tulong para sa kaniyang assignment sa math dahil hindi rin daw magaling sa subject na iyon ang kaniyang pamilya.
Ayon naman sa pahayag ni Sheriff George Lenzner, pinaliwanagan ng dispatcher na si Kim Krause ang bata na hindi ginagamit ang 911 para sa mga homework ngunit sinubukan niya pa rin itong tulungan.
Pero nang malaman ng dispatcher kung ano ang problem na kailangan sagutan ng bata at sinabi na hindi niya ito kayang sagutan, kung kaya naman naghanap siya ng ibang makatutulong dito at na-contact si Deputy Sheriff Chase Mason.
Inamin ni Deputy Mason sa isang report na hindi rin siya magaling sa nasabing subject ngunit sinubukan niya pa ring tumulong.
Dumating si Mason kasama ang kaniyang stepson na kasing-edad lang ng nasabing bata. Binigyan niya rin daw ito ng business card at sinabing handang tumulong ang 911 ngunit pinaalalahanan na kung ang concern nito ay hindi life-threatening, sa non-emergency line na lamang ito tumawag.
Umani naman ang post ng napakaraming comments, likes at shares na naglalaman ng samu’t-saring komento, kung saan may mga nagpasalamat dahil may nabasa raw silang feel-good news, at kung saan mayroon ding mga nagsabi na para sa isang bata, maituturing ang pagsagot ng math problem na isang emergency.
Ikaw, anong masasabi mo sa nakatutuwang kuwento na ito?