Nanawagan ang mga mambabatas kay Vice President Sara Duterte, na iprayoridad ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation kaugnay ng kaniyang pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr.; First Lady Liza Araneta-Marcos; at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, ang pagpapaliban sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay para mabigyang pagkakataon ang Bise Presidente na linisin ang kaniyang pangalan.
Naniniwala ang mambabatas, na dapat magpaliwanag ang pangalawang pangulo sa kaniyang mga binitawang pahayag na maituturing na malaking banta sa pambansang seguridad.
Dagdag pa ni Cong. Adiong, na kailangang tumugon ni VP Sara sa panawagan ng NBI dahil hindi naman aniya nito direktang sinasagot ang mga katanungan ng mga kongresista tuwing may pagdinig sa kamara.
Iginiit ng mambabatas na bagamat may mahalagang tungkulin ang House Blue Ribbon Committee sa pagpapalaganap ng pananagutan ng gobyerno, ang imbestigasyon ng NBI ang may mas mataas na prayoridad dahil sa mga direktang epekto nito sa demokrasya ng bansa at tiwala ng mamamayan.