Inihayag ng Trabaho Partylist na hangad nitong maging “personal choice” na lamang para sa mga Pilipino ang mangibang bansa at magtrabaho imbis na ito’y maging sapilitan o dahil sa matinding pangangailangan.
Sabi ni Trabaho Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David Espiritu, kinikilala ng grupo ang pagiging “Bagong Bayani” ng mga overseas Filipino workers at ang malaking kontribusyon nila sa ekonomiya ng bansa.
Subalit iginiit ng tagapagsalita ng Trabaho na marami sa ating mga kababayan ang nagiging OFW dahil sa kawalan ng oportunidad, kaya’t ito’y nagiging sapilitan o kaya’y last resort para umunlad ang antas ng pamumuhay.
Sabi pa ni Atty. Espiritu, malaki man ang remittances na naiuuwi ng mga OFW, may negative effect naman ito sa kanilang pamilya subalit matagal silang mawawalay sa kanilang mga anak at minamahal sa buhay.
Upang tugunan ang isyung ito, layunin ng Trabaho na isulong ang iba’t ibang programa upang mapalapit ang mga oportunidad sa ating mga kababayan, tulad ng access sa tamang impormasyon, skills training at job-matching.
Pahayag ni Atty. Espiritu, maitutugma ng Trabaho Partylist ang pangangailangan ng mga iba’t ibang sektor ng industriya sa bansa sa skillset ng mga Pilipinong manggagawa.
Sinasabing layunin din ng Trabaho Partylist na suportahan ang implementasyon ng Enterprise-Based Education and Training o EBET Framework Act upang siguraduhin ang skills alignment ayon sa market needs, mas mataas na kalidad ng mga aplikante, malawakang accessibility ng programa, at patuloy na pagtaas ng employment rate ng bansa.