Isang lalaki sa Bradenton, USA ang arestado matapos nitong gamitin ang pagkakakilanlan ni Elon Musk para makasabat ng milyun-milyong halaga ng pera mula sa isang matanda.
Kung paano ito nangyari, alamin.
Inaresto ang lalaking kinilalang si Jeffrey Moynihan sa mismo niyang tirahan dahil nakapang-scam lang naman siya ng $250,000 o may katumbas na 14.7 million sa Philippine Peso.
Kung paano niya ito nagawa? Nagpanggap lang naman siyang si Elon Musk sa isang senior citizen na kinaibigan niya sa social media nitong nakaraang taon.
Napadalas ang pag-uusap ng dalawa at dahil sa pagpapanggap niya bilang ang pinakamayamang tao sa buong mundo, napapayag niya ang matanda na mag-invest sa kaniya raw negosyo.
Ayon naman sa police department ng Bradenton, ipinapakita raw ng financial records ng biktima na nag-transfer siya ng $250,000 sa isang account na pagmamay-ari ni Moynihan at sa kaniyang mga negosyo na Jeff’s Painting and Pressure Washing, LLC.
Ang asawa ng biktima ang naunang maghinala nang malaman mula sa bangko na ang kanilang account ay nagsagawa ng malalaking transaksyon.
Iginiit ng suspek na maski siya ay isa lang ding biktima dahil ginamit siya upang makapang-scam.
Samantala, nakakalap pa ng proweba ang mga otoridad na si Jeffrey ay nagpapanggap din pala bilang ang aktor na si Johnny Depp at ang singer-songwriter na si Lionel Richie ngunit hindi tiyak kung ginamit niya rin ang mga ito para mang-scam. May posibilidad din daw na mayroong kasabwat sa krimen si Moynihan.
Gayunpaman, nahaharap ngayon sa kasong grand theft si Jeffrey Moynihan.
Ikaw, mahuhulog ka rin ba sa ganitong patibong kung ikaw ang malalagay sa ganitong sitwasyon?