Aakalain mo na ba na minsan sa buhay natin ay may naitalang pinakamahal na saging na nagkakahalaga ng 6.2 million U.S. Dollars? ‘Yan ang art piece ng isang italian artist na si Maurizio Cattelan na kamakailan lang ay nag-viral.
Ang kwento sa likod nito, alamin.
Nitong mga nakaraang araw ay nag-viral sa social media ang isang saging na naka-duct tape sa pader. Sa unang tingin ay mapapaisip ka dahil hindi ito kalimitang nakikita sa pang araw-araw.
Pero huwag i-ismolin ang saging dahil tunay ngang hindi ito tipikal kumpara sa mga saging na kinakain natin dahil sa presyo nito na 6.2 million U.S. Dollars lang naman.
Kung bakit ito umabot sa ganoon kataas na halaga ay dahil isa itong art piece ng artist na si Maurizio Cattelan na nakilala dahil sa kaniyang humorous artworks na ibinenta kamakailan sa isang auction ng Sotheby’s sa New York.
Ang duct-taped banana artwork na tinatawag na “Comedian” ay una na palang nakita noong 2019 sa Art Basel Miami Beach Fair at naging most instagrammed work pa, at nakabenta na noon ng tatlong editions sa halagang 120,000 hanggang 150,000 U.S. Dollars.
Ngunit sa katatapos lamang na auction, nagsimula ang bidding sa 800,000 U.S. Dollars hanggang sa umabot na ito ng 5.2 million U.S. Dollars at may kasama pang buyer’s premium o ang fee na binabayaran ng winning bidder.
Ang nakabili naman ng controversial artwork ay ang trenta’y kwatro anyos na si Justin Sun na founder pala ng isang cryptocurrency platform na “Tron.”
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Sun na nirerepresenta ng nabili niyang artwork ang koneksyon ng sining, memes, at cryptocurrency, at naniniwala siya na magiging parte ito ng kasaysayan.
Sa katunayan, para ma-experience ang kakaibang art na ito, kinain nito ang mismong artwork.
Ikaw, anong masasabi mo sa kakaibang artwork na ito?