Talaga nga namang malayo na ang ating narating lalo na pagdating sa teknolohiya dahil hindi na lamang mga kitchenware at mga damit ang may taga linis, pati mga tao, sarili na ring washing machine.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Taong 1970 nang ilabas ng Sanyo Electric Company na ngayon ay kilala na bilang Panasonic Holdings Corporation ang pinakaunang human washing machine sa Osaka Kansai Expo.
Nagre-release ito ng malalaking air bubbles na siyang maglilinis sa katawan ng taong gumagamit nito at may kakayahan din na mag-massage sa pamamagitan ng plastic balls.
Marami ang nakasaksi sa launching nito kabilang na si Yasuaki Aoyama na nasa grade 4 lamang noong panahon na ‘yon.
Hanggang sa pagtanda ay bitbit ni Yasuaki ang paghanga sa nakitang machine, at ngayon ay naghahanda na rin siya para sa launching ng bagong bersyon nito at sinabi sa Japanese media na ito ay magsisilbing legacy mula sa naunang bersyon.
Ilalabas ito sa Science Co., isang kumpanya na dalubhasa sa paggawa ng bathtubs at showerheads kung saan siya ay nagsisilbi bilang chairman.
Ang makabagong human washing machine ay tinatawag na “Miari Ningen Sentakuki” na maglalabas ng milyong maliliit na microscopic bubbles upang linisan ang katawan ng user.
Mayroon din itong sensor na kayang basahin ang pulso at biological data ng tao upang timplahin ang temperatura ng tubig. Bukod pa riyan, gagamit din ito ng ai upang matukoy kung kalmado o excited ang gumagamit, at kaya ring mag-project ng mga litrato upang i-set ang mood nito.
Umaasa naman ang Science Co. Na umabot ng isang libong katao ang makakasubok sa kanilang human washing machine na ilalabas sa Osaka Kansai Expo na gaganapin sa April 2025.
Ikaw, gugustuhin mo rin bang gumamit ng human washing machine?