Naniniwala ang isang miyembro ng Kamara na ‘peke’ o gawa-gawa lamang ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na mayroong nais pumatay sa kanya, gaya ng mga karakter na sina “Mary Grace Piattos” At “Kokoy Villamin,” na ginamit sa pagtanggap ng confidential fund ng Pangalawang Pangulo.
Tinawag ni Assistant Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na “peke” ang mga alegasyon ni Duterte ukol sa banta ng pagpatay at patunay dito ang hindi nila pagre-report nito sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Kung mayroon anyang mga banta, tanging si VP Sara ang narinig nilang gumawa nito partikular ang kontrobersyal na pahayag na umano’y kumuha ito ng “hit-man” upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung sakaling may mangyari sa kanya.
Nagsimula na rin ang National Bureau of Investigation ng kanilang imbestigasyon sa mga naging pahayag ng Bise Presidente.
Inihalintulad ni Acidre ang mga banta ni Duterte sa mga pekeng identity nina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” na mga pangalan sa acknowledgment receipts na isinumite ng Office of the Vice President at Department of Education sa Commission on Audit bilang patunay ng paggastos sa kabuuang 612.5 million peso confidential fund.