Kamakailan ay nauso ang food delivery services na talaga nga namang nagbibigay ng convenience sa maraming tao. Tulad na lamang sa Saudi na mas napadali pa ang pagdi-deliver ng mga pagkain dahil gumagamit na rin sila ng… jetpack?
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Nag-viral sa social media ang video ng isang lalaki na makikitang lumilipad sa ere, nakasuot ng safety gears, at may hawak na kahon.
Sa unang tingin ay iisipin mo na baka isa lamang itong eksperimento ng panibagong innovation, pero alam mo ba na ang lalaking ito ay isa palang delivery man?
Sa caption ng video, nakasaad dito na nakuhanan ang video sa Saudi Arabia at ito ang pinakaunang flying man na nagdi-deliver ng pagkain sa nasabing bansa.
Makikita na lumipad ang lalaki mula sa isang building papunta sa katapat nitong establishment at lumapag sa isang balcony kung saan mayroong tao na tila naghihintay na sa pagdating nito.
Nakatutuwa mang tignan dahil mas mapapabilis ang paghahatid ng pagkain sapagkat hindi na kinakailangan pa ng delivery man na dumaan sa mga ma-traffic na kalsada, mayroon namang kumuwestyon kung magkano ang magiging delivery fee dahil baka raw mas mahal pa ito kumpara sa biniling pagkain.
Mayroon ding nagsabi na peke at edited ang video, at hanggang ngayon ay hindi pa rin tiyak ang katotohanan nito at kung talaga bang ginagamit na ang naturang services sa Saudi Arabia.