Mayroong iba’t ibang klase ng hobbies na ginagawa at nade-develop ang mga tao depende sa kanilang trip o hilig. Pero ang isang lalaki sa Japan, mayroong hindi pangkaraniwang libangan at yan ay ang panghihimasok sa property ng ibang tao!
Kung bakit ito ginawa ng lalaki, alamin.
Kamakailan ay inaresto ng Fukuoka Prefectural Police ang isang trenta’y siyete anyos na lalaki sa siyudad ng Daizafu sa Japan na kinilalang si Yuta Sugawara dahil sa paghihinala na nanghimasok ito sa property ng isang magkasintahan.
Sa pinakahuli nitong pagtatangka, ang may-ari mismo ng bahay ang nakahuli kay Yuta habang nasa loob ng bakuran ng mga ito. Hinabol at napigilan ng lalaki si yuta sa pagtatangka nito na tumakas, habang ang kaniya namang asawa ang tumawag sa mga pulis.
Nang imbestigahan ito ay inamin ni Yuta na pumapasok siya sa property ng mga pribadong tahanan nang walang paalam. Sinabi pa nito na nakakawala raw ng stress ang kapag naiisip niya kung malalaman ba ng may-ari o hindi ang kaniyang pag-tresspass.
Kaswal na inamin mismo ni yuta sa mga imbestigador na ang nangyaring insidente ay hindi na bago sa kaniya dahil umabot na sa isang libong beses ang panghihimasok niya sa property ng ibang tao at ito raw ay kaniyang hobby.
Samantala, tinitingnan din ng mga otoridad kung si Yuta ba ay mayroong kinalaman sa iba pang naganap na krimen sa nasabing lugar.
Ikaw, anong masasabi mo sa pambihirang libangan ng lalaki na ito?