Hinikayat ni Senator Imee Marcos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na utusan ang kongreso na wag nang ipagpilitan ang impeachment laban kay vice President Sara Duterte.
Giit ng Presidential Sister, kung mayroon mang sapat na dahilan na isampa na lang ang kaso laban sa Pangalawang Pangulo at huwag nang pagwatak-watakin ang sambayanan lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Nangangamba rin si Senator Marcos na magpulasan ang mga investor sa gitna ng salpukan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.
Aniya, pinakaayaw ng mga mamumuhunan ang unpredictability at political anxiety dahil hindi alam ng mga ito kung saang direksyon patungo ang bansa, partikular ang mga umiiral na patakaran at regulasyon.
Umaasa si super ate na magkakaroon ng katahimikan at matatapos din ang tinawag niyang ‘napakalupit na pulitika’ para bigyang-daan ang diwa ng pasko.
Matatandaang una na ring umapela ang senador sa pinsang si House Speaker Martin Romualdez na isantabi muna ang ambisyon sa 2028 elections at makinig sa presidenteng tutol sa pagpapa-impeach kay VP Sara.