Nanawagan ang mga lider ng Kamara na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng naging desisyon ng mataas at mababang kapulungan na alisin ang subsidy ng gobyerno sa PhilHealth para sa 2025.
Umapela rin si Assistant Majority Leader At Tingog Party-List Rep. Jude Acidre sa mga nagpapakalat ng maling kwento na maawa naman sa taumbayan at bilang pamasko ay dapat itigil na ang pagpapalaganap ng tsismis.
Itinaggi rin Acidre ang balitang walang magagamit na pondo ang PhilHealth sa susunod na taon upang maipagpatuloy ang benepisyong ibinibigay nito sa mga miyembro.
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na maaaring ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi man lang miyembro ng PhilHealth.
Iginiit ng dalawang lider ng Kamara na mayroong sapat na pondo ang PhilHealth para matulungan sa pagpapagamot ang mga miyembro nito at sa katunayan ay madaragdagan pa ang mga benepisyong ibinibigay sa susunod na taon.