Inanunsiyo ng Malakanyang na hindi matutuloy ang nakatakdang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act sa Disyembre 20.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ito ay upang bigyang-daan ang masusi at komprehensibong pagsusuri sa panukalang batas na magsisilbing gabay sa direksyon ng bansa sa susunod na taon.
Ipinunto ni Exec. Sec. Bersamin na ang pag-aaral o pag-review sa panukalang 2025 national budget ay pinangungunahan mismo ni PBBM sa pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga pangunahing kagawaran.
Bagama’t wala pang eksaktong petsa kung kailan ito lalagdaan, ipinaliwanag ni Bersamin na may ilang mga probisyon at bahagi ng panukalang pambansang badyet ang ive-veto para sa kapakanan ng publiko, upang umayon sa fiscal program, at bilang pagsunod na rin sa mga umiiral na batas.