Tila hango sa sikat na pelikulang “Hatchiko” ang buhay ng aso na si Milo dahil katulad ng bida rito, nahirapan din si Milo na ipagpatuloy ang kaniyang buhay matapos maulila sa kaniyang amo.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Sa isang sumikat na video sa social media, mapatutunayan na pati ang mga hayop ay mayroon ding pakiramdam katulad na lang ng aso na si Milo na bakas na bakas ang tamlay at lungkot sa mukha at mga mata.
Sa nasabing video na in-upload ni Rafael Zurbano, napag-alaman na yumao na pala ang amo ni Milo kung kaya tila balisa ito habang nagpapalabuy-laboy sa kalsada.
Dahil sa awa at kagustuhang masagip ang aso, nagmagandang-loob si Rafael na maghanap ng kukupkop kay Milo.
Ngunit ang paghahanap ng panibagong pamilya para kay Milo ay hindi raw naging madali dahil batid daw nila sa mga kilos nito na hindi nito kayang iwanan ang dating bahay kung saan dama pa rin nito ang presensya at alaala ng kaniyang dating amo.
Gayunpaman, ayon sa uploader, sa huli ay nahanapan din nila ng bagong kukupkop ang naulilang aso na si Milo na hanggang sa huli ay hindi basta-bastang iniwan at kinalimutan ang kaniyang amo.
Ikaw, sasagipin mo rin ba ang mga asong nasa kaparehong sitwasyon ni Milo?