Isa na namang kaso ng walang muwang na bata ang inabandona na kasalukuyang kumakalat sa social media.
Kung ano ang kwento, alamin.
Kamakailan ay natagpuan ng mga residente ng barangay San Miguel, Tagum City ang isang bagong silang na babaeng sanggol.
Nakakabit pa ang umbilical cord ng nasabing sanggol, palatandaan na bagong silang ito at natagpuan sa damuhan sa isang bakanteng lote.
Sa video, maririnig kung paano pinagkaguluhan ng mga residente ang natagpuang sanggol sa kalagitnaan ng damuhan at makikita na wala itong saplot bukod sa isang maliit na tela na hinihigaan nito.
Isang babae ang lumapit sa sanggol ang mayroong hawak na kumot na siya namang ginamit nito upang ibalabal sa bata bago ito tuluyang buhatin.
Nang kargahin ng babae ang sanggol ay maririnig ang malakas na pag-iyak nito na siyang naging kompirmasyon na ligtas at buhay ang bata.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office ang sanggol at nasa maayos na kalagayan.
Iniimbestigahan naman ngayon ng pulisya kung sino ang nanay ng inabandunang sanggol.