Dapat na magsilbing wake up call para sa lahat ang matagumpay na pagpapauwi sa bansa kay Mary Jane Veloso para pagtuunan din ng pansin ang iba pang OFW na mayroong kahalintulad na sitwasyon ni Veloso.
Ito ayon kay Senate President Chiz Escudero makaraang igiit na umaasa siya na ang repatriation ni Veloso ay una lamang sa napakaraming pinoy abroad na nahaharap sa kaparehong sitwasyon.
Ipinapakita anya ng nangyari kay Veloso ang pagkalinga ng pangulo at ng kanyang administrasyon sa mga OFW na nasa ibat ibang bansa.
Kasunod nito, nanawagan ang Senate President sa Deptartment of Foreign Affairs na magsagawa ng imbentaryo at accounting ng mga nakakulong na Pilipino sa ibang bansa, upang alamin anong klase ng kaso ang kinakaharap ng mga ito at ano ang maaring gawin para sila ay matulungan na makalaya.
Samantala, iminungkahi ni SP Escudero na pag-aralan at isulong ang tratado hinggil sa prisoner swap para dito na lang isilbi sa bansa ang sentensya ng mga OFW na nahatulan sa kanilang kaso abroad. – Sa panulat ni Kat Gonzales