Makabibili na ang mas maraming Pilipino ng 40 pesos kada kilo ng well-milled rice matapos magdagdag ang Department of Agriculture ng Kadiwa ng Pangulo Rice sa apat pang pampublikong palengke sa Metro Manila sa ilalim ng rice-for-all program.
Ayon sa D.A., nagsimula nang magbenta ng murang bigas sa apat na palengke, sa Dagat-Dagatan, Caloocan; Phase 9 Bagong Silang Market, Caloocan; Cloverleaf Market, Balintawak, Quezon City; at New Marulas Public Market sa Valenzuela City.
Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na mahalaga ang nasabing hakbangin alinsunod na rin sa pangako ng pamahalaan na gawing abot-kaya ang bigas sa pamilyang Pilipino.
Bukas ang mga nasabing Kadiwa Store mula alas-kwatro ng umaga hanggang ala-sais ng gabi sa buong holiday season maliban lamang sa December 24-25 at 30 at sa January 1, 2025. Sa panulat ni Alyssa Quevedo