Tatalakayin pa ng Senate Blue Ribbon Committee kung sinu-sino ang mga ipatatawag na resource persons para sa ikalawa nitong pagdinig kaugnay sa drug war campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, bukod sa mga dating hepe ng PNP, PDEA at pamilya ng mga biktima ng EJK, iimbitahan din nila ang non-government organizations upang matukoy ang tunay na bilang ng mga namatay sa kontroberyal na kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Matapos naman ang rekomendasyon ng House Quad Committee na sampahan na ng kasong crimes against humanity ang dating pangulo at iba pang mga kasalukuyan at dating opisyal, iginiit ni Senador Pimentel na babase lamang din ang rekomendasyon ng Senado sa kanilang makakalap na ebidensya. - Sa panulat ni Laica Cuevas