Sino ang mag-aakala na ang mga pinagkainan na hindi nilinisan at pati na rin ang isang dagang pagala-gala ay muntikan pang magdulot ng sunog sa isang tindahan?
Kung paano ito nangyari, alamin.
Sa isang CCTV footage, makikita ang bahagi ng isang shop kung nasaan ang isang makalat na dining table na mayroong mga iniwanang pinagkainan at tira-tirang mga pagkain.
Malinaw na malinaw na walang tao na namataan sa simula ng video kung kaya naman kataka-taka na bigla na lamang umusok ang induction cooker na nasa gitnang bahagi ng mesa.
Makikita na bigla na lamang lumabo ang CCTV footage dahil sa unti-unting pagkalat ng usok sa kwarto.
Isang babae naman ang nakitang pumasok sa kwarto at agad na tinanggal ang induction cooker mula sa pagkakasaksak.
Noong una ay inakala pa ng may-ari na baka ang self-reactivating feature ng induction cooker ang nagdulot ng usok, ngunit nang tingnan ang kabuuan ng cctv footage, doon na nila nakita na isang daga pala ang nasa likod ng muntikang sunog.
Mula sa ilalim ng mesa ay tumuntong dito ang daga at nagpaikot-ikot. Dahil doon, natamaan nito ang buton ng lutuan at aksidenteng nabuksan.
Samantala, matapos ang insidente ay nagsagawa na ng hakbang ang may-ari upang mapaalis ang peste sa kaniyang tindahan.
Ikaw, anong masasabi mo sa pambihirang kwento na ito.