Inilutang ni Senador Imee Marcos ang sinasabing tila paggamit sa ilang bahagi ng panukalang pambansang budget sa vote-buying ngayong malapit na ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Senador Marcos, masyadong halata ang mga nagsingit sa national budget dahil imbes na iprayoridad ang edukasyon, kalusugan at serbisyong-panlipunan, mas pinaboran ng mga ito ang hindi malilinaw na proyekto.
Nanindigan ang mambabatas na dapat repasuhin ang ratipikado nang pambansang budget upang masiguro na hindi ito pumapabor para sa interes ng iilan lamang habang nagdurusa ang nakararaming Pilipino.
Nakahanda rin aniya siya na magtrabaho kahit pasko basta’t maibalik lamang sa Bicameral Conference Committee ang final version ng house bill no. 10800 o ang proposed P6.352-trilyong 2025 national budget.
Dagdag pa ni Senador Marcos, hindi rin nakaligtas ang department of agriculture matapos bawasan ng P22.363-bilyon ang kanilang budget, kabilang na ang P9.645-bilyon na para sa National Rice Program ng ahensya.