Nilinaw ng Department of Transportation and Communications o DOTC na sa 2018 pa ipatutupad ang total phase out ng mga jeepney na mahigit na sa 15-taong gulang.
Ayon kay DOTC Secretary Jun Abaya, bahagi ito ng Jeepney Modernization Program na matagal na nilang gustong ipatupad.
Gayunman, magsisimula na aniya sa January 2016 ang transition period kung saan pwedeng boluntaryong ipahinga ng mga operators ang mga jeepney na lampas na sa 15-taon.
Samantala bibigyan pa ng isang taong grace period sa 2017 ang mga may-ari ng lumang jeepney bago ito mahigpit na ipatupad sa 2018.
“Ang hinihikayat namin either hybrid, electric o anumang combination nun para nakakatulong din tayo sa ating kalikasan pero parang hirap kami eh, ang sinasabi naman ng ibang nakakausap namin ay okay na din yung ini-offer ng commercial bank, yung rate na ini-offer nila, pupuwede na sa kanila, kaya hinihintay na lang nila ang pagpipirma ng department order.” Pahayag ni Abaya.
Tanim-bala report
Samantala, nakahanda ang DOTC na ipatupad ang anumang rekomendasyon ng NBI o National Bureau of Investigation sa isyu ng tanim-laglag bala sa NAIA.
Ayon kay DOTC Secretary Jun Abaya, ang DOTC mismo ang humiling na magsagawa ng independent investigation ang NBI para makaiwas sa alegasyon ng whitewash.
Una nang inihayag ng NBI na posibleng ilabas nila ang resulta ng imbestigasyon bago o sa Disyembre 9.
“Matagal na rin naming hinihintay ang independent findings ng NBI, hinikayat nga namin silang pumasok para walang magsabing niluluto lang namin sa DOTC kasi karamihan dito ay ahensya under DOTC, so wini-welcome namin at kaagaran naming ipapatupad kung ano ang kailangan sa NBI report.” Dagdag ni Abaya.
By Len Aguirre | Ratsada Balita