Bagama’t hindi pa pirmado ni Pang. Bongbong Marcos ang panukalang pambansang budget para sa 2025, siniguro ni Senator Imee Marcos na hindi makokompromiso ang paggasta ng gobyerno kapag nagpalit na ang taon.
Ayon sa Presidential Sister, hindi naman malaking trabaho ang paglagda ng Pangulo sa national budget dahil kaunti lang naman aniya ang mga kontrobersyal na item.
Kabilang na ang halos P12-bilyongtapyas-budget ng Department of Education, pag-zero sa subsidiya ng Philippine Health Insurance Corporation at ang pagbabalik sa P26-bilyong budget ng kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Sinabi pa ni Senador Marcos na kayang-kaya naman na gawing pulido ang proposed P6.352-trilyong national budget kung gugustuhin ng palasyong ibalik ito sa Bicameral Conference Committee.
Hinimok ng mambabatas si Presidente Marcos na alisin sa badyet ang mga isiningit ng mga kapwa niya mambabatas, gaya ng sinasabi umanong 1-trillion peso fundraising para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y upang mabigyan aniya ng garantiya ang sambayanang Pilipino na hindi para sa interes ng iilan lamang ang pambansang budget na kasadong tintahan ni Pangulong Marcos sa Disyembre a-30.