Nanganganib pang tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo ng pagkain sa susunod na taon dahil sa kulangan ng supply sa kabila ng mataas na demand.
Ito ang ibinabala ng Ekonomistang si Professor Astro Del Castillo bilang tugon sa ulat na posibleng bahagyang umangat muli sa 2.6% ang inflation rate ngayong buwan.
Ayon kay Del Castillo, dapat tiyakin ng gobyerno na mapababa ang presyo ng kuryente na magtutulak naman upang bumaba ang presyo ng mga bilihin, lalo ng pagkain.
Maaari rin anyang makaapekto sa presyo ng mga bilihin ang opisyal na pag-upo ni Donald Trump bilang bagong pangulo muli ng Amerika dahil sa plano nitong baguhin ang mga taripa o trade transactions sa iba’t ibang bansa.
Samantala, itinuro naman ng Social Weather Stations ang pagsirit ng inflation na pangunahing rason ng pagbaba ng christmas optimism ng ilang Filipino matapos lumabas sa survey na nabawasan ang bilang ng mga Pinoy na nagsabing masaya ang kanilang pasko ngayong taon.
Ipinunto ni SWS Director for Communications and Information Technology Leo Laroza na hindi lang ang pagiging masaya sa pasko ang naging batayan kundi maging ang pagtingin ng bawat pamilya sa kanilang sarili kung mahirap man sila o hindi. – Sa panualt ni John Riz Calata