Ano ang gagawin mo kung ma-stranded ka na nga nang mahigit isang araw sa isang dagat, doon pa sa pinamumugaran ng mga pating? Ganyan ang nangyari sa mga turistang Chinese at mga kasama nitong dive guides matapos magtungo sa Palau Shark Sanctuary.
Kung ano ang nangyari sa mga na-stranded, alamin.
December 26 nito lamang katatapos na taon, nagtungo ang pitong turista at dalawang dive guides na kapwa mga Chinese sa Palau Shark Sanctuary na isang island country sa Micronesia.
Ayon sa ulat, na-stranded sa gitna ng dagat ang mga ito matapos silang makalimutang sunduin ng dive boat sa hindi pa rin matukoy na dahilan.
Ang maiwanan pa lamang na palutang-lutang sa gitna ng dagat ay isa nang makapanindig balahibo na karanasan dahil sa dami ng posibleng mangyari rito, pero para mas palalain pa ang sitwasyon, ang dagat ay pinamumugaran pa ng mga pating!
Isa sa mga ito ay ang whitetip reef sharks na hindi man agresibo ay umaatake naman kapag nakaramdam ng papalapit na panganib. Kabilang din dito ang grey reef sharks at leopard sharks na parehong iniiwasan ng mga diver at mangingisda.
Dahil sa hindi agarang pagbalik ng mga turista sa laot, agad itong inireport ng iba pa nilang mga kasama sa Chinese Embassy kung kaya naman agad na pinadalhan ng rescue ang mga na-stranded.
Sa nasabing search operation ay inilabas at ginamit daw ng Palau Police ang lahat ng barko at aircrafts na mayroon sila upang mahanap ang mga diver.
Sa kabutihang palad naman ay kumpleto at ligtas na natagpuan ang mga turista at diver. Gayunpaman, dinala pa rin ang mga ito sa ospital upang suriin at masiguro na maayos ang lagay ng mga ito.
Ikaw, anong diskarte ang gagawin mo kapag ikaw ang nalagay sa sitwasyon na ito?