Nakukulangan si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian sa operasyon ng mga law enforcement agencies laban sa smuggled tobacco at vape products.
Ayon sa Senador, ang mga iligal at puslit na tobacco at vape products ang dahilan kaya’t patuloy na tumataas ang nawawala sa dapat ay makolektang buwis o’ excise tax ng pamahalaan mula sa tobacco at vape products.
Inihayag ni Senator Gatchalian, makaraang ikabahala ang pagtaas ng bilang ng naninigarilyo at pagbaba ng nakokolektang buwis ng pamahalaan mula rito.
Kung dati anya ay win-win na ang sitwasyon dahil bumaba na ang bilang ng nagsisigarilyo habang tumataas ang nasisingil na buwis, ngayon ay lose-lose situation dahil sa kabaligtaran na ang nangyayari.
Sinabi pa ng Senador na nagaganap ang bentahan ng smuggled na sigarilyo at vape products sa Quiapo na halos malapit sa senado maliban pa sa bentahan online, gaya sa marketplace ng facebook.
Dahil dito, nanawagan si gatchalian sa Department of Finance na tututukan ang problema sa illicit trade at smuggling ng mga naturang produkto. – Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)