Pinasalamatan ng direktor ng ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ na si Darryl Yap ang kaniyang abogado na si Atty. Raymond Fortun at iba pang mga kasama nito sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Ito ay matapos maghain ng petisyon ng kampo ni Yap sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ng isang gag order laban sa kampo ng aktor na si Vic Sotto.
Ang gag order ay inilalabas ng korte upang pigilan ang mga partido, kabilang ang kanilang mga abogado, na isiwalat sa publiko ang anumang impormasyon tungkol sa isang nakabinbing kaso – tulad ng pakikipag-usap sa media o pagtalakay sa kaso online.
Matatandaang nagsampa ng reklamo si Vic Sotto laban kay Darryl Yap dahil direktang binanggit ang pangalan ng aktor sa trailer ng pelikula bilang isa sa mga rapist umano ng yumaong sexy star na si Pepsi Paloma. - sa panulat ni Ralph Dela Cruz