Ikinatuwa ng mga lider ng Kamara ang suporta ng publiko sa imbestigasyon ng Quad Committee kaugnay sa iligal na droga; operasyon ng POGO; at libu-libong biktimang nasawi sa extrajudicial killings sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng pulse asia mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, 61% ang pabor sa imbestigasyon ng quad comm.
Ayon sa mga miyembro ng Quad Comm na sina Overall Lead Chairman at Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert ace barbers; Quad Comm Co-Chairman Dan Fernandez, ng Laguna; Joseph Stephen “Caraps” Paduano, ng Abang Lingkod Party-List, at Bienvenido “Benny” Abante Jr., ng Manila; at Quad Comm Senior Vice Chairman Romeo Acop ng Antipolo, mandato ng komite na maibigay ang nararapat na hustisya at ibulgar ang katotohanan sa likod ng pang-aabuso.
Sinabi ng mga lider ng Quad Comm na ang resulta ng pulse asia survey ay pagpapakita ng kumpiyansa sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Anila, ang walang patid na suporta mula sa mga pilipino ang nagpalakas at nagtulak sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin upang maresolba ang mga isyu sa bansa.
Naniniwala rin ang mga lider na ang resulta ng survey ay isang mandato upang kanilang ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan at mapanagot ang mga may sala. – Sa panulat ni John Riz Calata