Ikinatuwa umano ng mga netizens ang pagkakasibak kay Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co bilang pinuno ng House Committee on Appropriations.
Ito’y matapos ipanukala ni Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na gawing bakante ang pwesto ng appropriations committee chair na inaprubahan din ni House Speaker Martin Romualdez.
Opisyal na tinanggalan si Co ng kanyang titulo bilang lider ng komite sa muling pagbubukas ng sesyon Kongreso noong Lunes, Enero 13.
Nagbitiw din naman ng pahayag si Co noong Lunes at sinabing kusa niyang binakante ang kanyang posisyon para tutukan ang kalusugan na tingin ng ilang mga netizen ay paraan lamang ng mambabatas upang isalba ang sarili sa kahihiyan matapos patalsikin sa pwesto.
Unang naging mainit sa paningin ng ilang mga personalidad si Co sa gitna ng taong 2024 dahil umano sa mga kuwestiyonableng pinaglalaanan ng pondo para sa 2025 budget.
“Drama lang yan. Nag-resign. Maggamit na naman sila ng iba para makaiwas sa batikos,” saad ng isang netizen sa Facebook.
“…bakit nag-resign sa komite lang. Kung talagang kalusugan niya ang dahilan, dapat sa pagka- kongresman siya nag-resign. Nag-resign nga ba o tinanggal? Dapat nag-resign o baba na rin sa pagka-speaker ‘yang si tambaloslos,” dagdag pa ng isa.
Samantala, itinanggi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may kinalaman ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapatalsik kay Co sa pwesto.