Talaga nga namang malaki ang naitutulong ng AI dahil napapadali nito ang anumang trabaho, pero hindi ito magandang ideya para sa iba dahil marami rin ang nananamantala rito, katulad na lang ng nang-scam sa isang babae na nabiktima ng gumamit ng AI para magpanggap na si Brad Pitt.
Ang buong kwento, alamin.
Isang babae ang nawalan ng tinatayang 50 million pesos matapos mahulog sa patibong ng isang scammer na nagpanggap bilang Brad Pitt.
Kinilala ang biktima na si Anne, isang singkwentay tres anyos na interior designer na kinontak daw ng nagpakilala na ‘Jane’ o ang nanay ng sikat na aktor at sinabi na ang babaeng katulad daw niya ang kailangan ni Brad Pitt sa kaniyang buhay. Tumagal din daw ng mahigit isang taon ang kanilang pag-uusap.
Noong una ay hindi raw makapaniwala si Anne sa mga nangyayari lalo na at hindi raw siya maalam sa social media at inakala rin niya na nasa long-term relationship sila ni Brad Pitt.
Gamit ang AI, sinendan ng scammers si Anne ng AI generated pictures ni Brad Pitt na nasa ospital na siyang naging patibong para magpadala ito ng tinatayang limampung milyong piso.
Ang rason ng scammers? Hindi raw ma-access ng pekeng Brad Pitt ang kaniyang bank accounts dahil sa kaniyang high-profile divorce kay Angelina Jolie at nangangailangan daw ito ng pera para sa kidney treatment.
Ang masama pa nito, hindi lamang pera ang nawala kay Anne kundi pati na rin ang kaniyang asawa na hiniwalayan niya dahil sa nangyari na scam.
Nadiskubre na lamang daw ni anne na na-scam siya matapos makita ang mga balita tungkol sa tunay na girlfriend ng aktor na si Ines de Ramon.
Samantala, naghain na ng police report ang biktima laban sa mga scammer.
Ikaw, madali ka rin bang maniwala sa ganitong klase ng gimmick?