Isang maling post mula sa page ng Department of Environment and Natural Resources ang umani ng mahigit isandaang libong reactions at nakakaaliw na comments dahil sa napakarandom na picture na hindi inaasahan ng mga tao na makita sa kanilang official account.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Bago natapos ang 2024 ay isang kakatuwa at hindi inaasahang picture ang nabungaran ng mga social media user sa “my day” ng official page ng DENR na wala namang koneksyon sa ahensya.
Ang picture na bumungad sa mga netizen? Mirror selfie lang naman ng isang babae.
Agad naman itong nag-viral matapos i-post ng isang kilalang page kung saan umani ito ng mahigit isandaan libong reactions, mahigit dalawang libong comments, at mahigit labing-isang libong shares.
Sa comment section ng post, lumabas ang tinataglay na kulit at talas ng isip ng mga Pilipino dahil sa palitan ng mga komento kung saan binansagan siya ng iba’t ibang palayaw katulad ng “She is the environment,” “Go ses you’re the environment and natural resources now,” at mayroon pang nagsabi na “I like this diva, she never switches accounts.”
Katulad ng huling komento, ang babae sa picture ay ang social media moderator pala ng DENR na tila nalimutang magpalit ng account kung kaya naman aksidente niyang nai-post ang kaniyang personal photo sa official page ng DENR.
Bagama’t disente naman ang nasabing picture dahil nakaupo ang nasabing babae at medyo balot ang katawan sa suot nitong damit, ngunit ginawan pa rin ito ng mga nakakatuwang komento ng mga netizen.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung ikaw ang aksidenteng nakapagpost sa inyong company social media account?