Almost perfect moment na sana ang marriage proposal ng isang lalaki sa kaniyang nobya sa Disneyland sa City of Love, ngunit bigla na lamang umeksena ang isang staff bago pa man maisuot ang singsing sa babae.
Kung ano ang buong pangyayari, alamin.
Tila isang fairytale ang naging proposal ng isang lalaki sa kaniyang nobya sa Disneyland sa Paris, France.
Makikita ang magkasintahan sa isang platform at mayroon pang background na malaking castle habang nagsisigawan at nagpapalakpakan ang mga turista na nanonood nang bigla na lang lumuhod ang lalaki.
Bago pa man maisuot ng lalaki ang singsing sa kaniyang nobya ay bigla na lamang humahangos na lumapit ang isang lalaking staff at pumagitna sa magkasintahan.
Hindi lang yan, hinablot pa ng staff ang singsing mula sa lalaki bago pinababa ang magkasintahan ng hagdan.
Depensa ng lalaki ay pinayagan daw siya ng isang babaeng staff na gawin ang proposal sa platform, ngunit katwiran ng lalaking staff ay mas maganda raw kung sa baba ng platform gawin ang proposal.
Sa isang pahayag naman, sinabi ng German na lalaki na kinilalang si Ante na ikinalungkot nila ng kaniyang fiancee ang nangyari dahil nasira ang kanilang moment.
Dagdag pa ni ante na limang buwan niya raw pinagplanuhan ang kaniyang marriage proposal. Labis lang na nakapanghihinayang ang nasirang proposal lalo pa at mayroong malaking role na ginagampanan ang disney sa kanilang relasyon.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Disneyland Paris at nag-offer pa sa magkasintahan ng libreng entry pass sa kanilang park at libreng stay sa mapipili nilang hotel ngunit tinanggihan ito ng magkasintahan.
Ayon kay ante, ayaw niya nang magpunta pa ulit sa disneyland at ang gusto lang daw niya ay ikalawang pagkakataon para ma-perfect na ang kaniyang proposal.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa ginawang pag-eksena ng nasabing staff?