Kinatuwaan at pinanggigilan ng mga netizen online ang picture ng aso na isa palang cashier sa restaurant!
Ang buong kwento, alamin.
Nag-viral ang isang social media post ng Tikya Garden Bistro sa San Jose City na naglalaman ng picture ng aso na si Popoy na mayroong nakasabit na Gcash QR code sa kaniyang collar.
Sa caption ng post, inanunsyo na si Popoy na ang bagong “Gcash-ier” ng tikya garden bistro at siya ang tatawagin kung Gcash ang nais gamiting mode of payment ng customer.
Kinagiliwan ng netizen ang post at umani na ng mahigit 100k reactions, mahigit dalawang libong comments, at mahigit 40k shares.
Marami ring netizen ang nag-share ng pictures ng kanilang furbabies sa comments section at pabirong nagsabi na mag-aapply din daw sila ng trabaho sa restaurant.
Pero ang hinahangaang aso, isa palang rescued epileptic dog ng family-owned restaurant at sa kasalukuyan ay anim na buwan na itong nagte-training kung paano umupo.
Samantala, humingi rin ng pasensya ang restaurant dahil kahit good boy si Popoy, lagi raw itong tulog o naka-break dahil bago pa lang ito sa kaniyang trabaho.
Para naman sa mga bibisita sa Tikya Garden Bistro, ang paboritong tip daw na matanggap ni Popoy ay crispy pata.
Gayunpaman, may ilang commentors na nagbigay din ng friendly reminder na huwag bibigyan ng buto ang mga aso dahil delikado raw ito at baka bumara sa kanilang intestines.
Ikaw, gusto mo rin bang bumisita sa Tikya Garden Bistro at magbayad ng Gcash kay Popoy?