Isang estudyante mula Davao del Sur ang matagumpay na nakapagpalago at nakapag-ani ng mansanas dahil lang sa kaniyang curiosity.
Kung paano ito ginawa ng lalaki, alamin.
Itinala ang dating Agriculture student sa Davao del Sur State College na si Benzone Kennedy F. Sepe ng Department of Agriculture bilang pinakaunang nakapagpalago ng puno ng mansanas sa Mindanao.
Partida, curious lang daw noon si Benzone kung kaya naman kinuha niya ang buto ng mansanas na kinakain niya at pinatubo muna sa seashells.
Sa unang subok ni Benzone ay isa lang ang nabuhay sa dami ng mga tinanim niyang mansanas, na siyang nag-udyok na pag-aralan pa ito.
Ginamit ni Benzone ang pruning method na kung saan ay tinatanggalan o binabawasan ng stem ang halaman. Sinabi niya rin na upang mas ma-expose ito sa araw ay dapat nakatungo ang sanga.
Ang naging inspirasyon pala ni Benzone para gawin ito ay ang pagtatanim ng Korean farmers ng mangga sa greenhouses na kaniyang nadiskubre nang bumisita siya sa Korea.
Kung bakit nakakabilib ang ginawa ni Benzone? Iyon ay dahil mababa pala ang germination rate ng mga mansanas o ang tyansa na tumubo ito.
Sa mga lugar na mayroong temperate climate o moderate temperature ay inaabot ng lima hanggang pitong buwan bago magbunga ang mga mansanas.
Ngunit sa karanasan ni Benzone ay apat na buwan lang ang inabot dahil may kalamigan sa kanilang lugar.
Pagdating sa produksyon ng mansanas, ang farm ni Benzone ang pinakaunang Agricultural Training Institute-certified Learning Site for Agriculture (LSA) at bukas ito para sa mga nais bumisita.
Samantala, nagbibigay naman ng libreng kaalaman at ipinipakita ni Benzone ang kaniyang buhay farmer sa kaniyang YouTube channel.
Ikaw, ganito ka rin ba ka-tyaga na matuto kapag meron kang gusto?