Sa sobra-sobrang dedikasyon ng isang chain-smoker sa Turkiye na magbago at lumayo sa bisyo, ikinulong niya ang kaniyang ulo.
Ang buong kwento, alamin.
Kwarenta’y dos-anyos ang Turkish man na si Ibrahim Yucel nang magdesisyon siya na gawin ang napakalaking sakripisyo para tuluyan na siyang makalaya sa dalawampu’t anim na taong bisyo niya na paninigarilyo.
Katulad ng ibang may bisyo, nahirapan din si Ibrahim na kumalas sa kaniyang nakasanayan at nakakaubos pa raw siya noon ng dalawang kaha sa isang araw, kung kaya naman naghanap siya ng ibang paraan para matigil na ito.
Gumawa si Ibrahim ng cage gamit ang copper wire at ikinulong ang kaniyang ulo.
Sa determinasyon na makalaya na sa kaniyang ilang taong bisyo, ikinulong ni ibrahim ang sarili niyang ulo sa cage na kung saan ay hindi nagkakasya ang sigarilyo.
Para naman makasigurado na magiging effective at successful ang ginagawa niyang sakripisyo, nilagyan niya pa ito ng lock at ibinigay ang susi sa kaniyang asawa at anak.
Ipinapasok naman sa mga siwang ng copper wire ang mga biskwit para makakain ang lalaki, at gumagamit ng straw para makainom ng tubig.
Dahil sa labis na dedikasyon, sinusuot niya ang cage hanggang sa labas ng bahay na siya namang ikinahiya raw ng kaniyang misis noong una, pero sa huli ay naintindihan din nito ang layunin ng mister.
Ikaw, hanggang saan ang kaya mong isakripisyo para makalaya na sa mga bisyo?