Nawindang ang car owner ng sasakyang nakaparada sa isang eskinita nang bumungad sa kaniya ang sandamakmak na gasgas sa unahang bahagi ng kaniyang sasakyan na aakalain mong nadisgrasya at bumangga.
Kung paano ito nangyari? Alamin.
Sa isang nag-viral na CCTV footage sa social media, makikita ang isang sasakyan na nakaparada sa gilid ng isang eskinita sa India.
Wala namang naging problema sa pagkakaparada nito dahil hindi rin ito nakaharang sa daan.
Kung kaya naman kataka-taka na kinabukasan ay bigla na lang nakakita ng napakaraming gasgas owner sa unahang bahagi ng kaniyang sasakyan.
Mabuti na lang at nahagip ng CCTV ang nangyari kinagabihan at doon nakita ang mga may kagagawan sa biglaang pagkakaroon ng mga gasgas sa kotse.
Ang mga salarin? Hindi sino, kundi ano?
Kitang-kita sa CCTV footage ang dalawang aso na nakakapit sa unahang bahagi ng kaniyang sasakyan at magkasabay pa na ginagasgasan ito.
Hindi pa riyan nagtatapos ang gulat ng driver, dahil doon niya lang din napansin na ang isa pala sa mga asong ito ay ang aksidente niyang nasagi habang nagmamaneho pauwi sa Madhya Pradesh, India.
Nasa maayos daw na kondisyon ang aso matapos ang insidente at nagawa pang tumakbo papalayo.
May posibilidad din daw na nasundan ng aso ang kaniyang sasakyan kung kaya natunton nito ang kaniyang kotse at iyon ang pinagdiskitahan nila ng kasama niyang tila isang resbak.
Samantala, ang pagpapagawa sa mga tinamong gasgas ng kotse mula sa mga aso ay inabot lang naman ng tumataginting na sampung libong piso.
Ikaw, sa tingin mo ba ay paraan ito ng aso para gumanti?