Isang lalaki mula sa Ipoh, Malaysia ang ilang beses daw na napuna dahil mukha itong gangster. Pero imbis na ma-offend, ginawa niya pa itong negosyo.
Kung paano? Eto.
Ang 28-anyos na Malaysian man na si Shazali Sulaiman, madalas daw masabihan na mukhang gang member dahil daw sa kaniyang long hair at pormahan.
Pero sa halip na masamain ang mga ganoong komento, na-inspire pa siya na gawin itong extra income na mukha namang effective dahil sinabi niya sa isang pahayag na mayroon na raw siyang mga natulungang kaibigan at kapamilya.
Kung madalas ay sa mga palabas at pelikula lang tayo nakakakita ng mga gumaganap na kontrabida, si Shazali naman, nag-ooffer ng “Villain for hire” service sa totoong buhay.
Pinost niya pa ito sa social media at sinabi sa caption na, “Are you tired of your partner thinking you are weak? For a reasonable fee, I can help you prove them wrong.”
Makikita rin sa caption na kinakailangan lang ng kliyente na magbigay ng eksaktong oras at lugar kung saan isasagawa ang plano. Pagkatapos nito, kunwari ay iistorbohin o guguluhin ni Shazali ang partner ng kliyente.
Tsaka naman papasok sa eksena si client para ipagtanggol ang kaniyang partner sa kunwariang panggugulo na sinimulan ni Shazali para magmukha siyang matapang at malakas na para bang isang superhero o knight in shining armor.
Ang serbisyo na ito ni Shazali na bukas para sa mga babae at lalaki ay nagkakahalaga raw na 100 Ringgit o mahigit 1,300 Pesos kung gagawin ito during weekdays, at 150 Ringgit naman on weekends o halos 2,000 Pesos. May extra charge rin daw kapag malayo ang location na binigay ni client.
Samantala, iba-iba naman ang naging reaksyon ng mga netizen sa social media. Tinawag itong smart idea ng iba, pero mayroon ding mga hindi sumangayon dito.
Nilinaw din ni Shazali na purong aktingan lang ito at wala namang nasasaktan.
Ikaw, gugustuhin mo rin bang i-avail ang service na ito?